Ebanghelyo: Juan 13:16-20
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung alam ninyo ito, mapalad kayo kung isinasagawa n’yo ang mga ito. Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan: Ang nakikisalo sa aking pagkai’y tumalapid sa akin.” Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang maniwala kayong Ako Nga kapag nangyari ito. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko, at ang nagpadala sa akin ang tinatanggap ng tumatanggap sa akin.”
Pagninilay
“Ang nakikisalo sa aking pagkai’y tumalapid sa akin.” Bakit mayroon ganitong karanasan sa ugnayan at pakikipagkapwa ng tao. May nakakasanayan tayong di magandang ugali ng panghihina at pagkawala ng katapatan. Natutunan nating itakwil ang pinagsamahan natin, ang dali nating humiwalay sa pakikiisa natin at mayrooon tayong mga biglaang kilos ng pagtalikod sa pagkakaibigan natin. Saan natin natutunan na tumalapid, tumalikod, lumipad palayo? Napakasensitibo ng ating kalooban na kapag ang loob natin ay nasaktan ay nakakalimutan natin ang tagal o lalim ng ating pinagsamahan at bigla na lang tayong natutuksong kalimutan na ang lahat ng pinagdaanan natin. Napakaraming hiwalayan na nangyari sa relasyon ng pakikipagkapwa. Ano pa nga ba ang ang mangyayari sa relasyon din natin sa Panginoong Diyos? Marupok ang kalooban ng tao sa mga panahon ngayon. Dapat natin itong pagtibayin sa
pagpapalakas ng paninindigan natin sa pagkilala at pagtitiwala natin sa isa’t isa, lalo na ang pagkilala, pagtitiwala, at paninindigan natin sa Panginoong Diyos. Nawa’y huwag mangyari na tayong nakisalo sa pagdiriwang ng Huling Hapunan ay biglang tumalapid dahil sa marupok nating kalooban! Pinanindigan tayo ng Panginoong Jesus, panindigan din natin ang kaniyang pag-aalay ng kaniyang katawan at dugo upang tayo ay lubos na magkabuhay!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





