Ebanghelyo: Juan 14:7-14
Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.
Pagninilay
May kasabihan tayo, “kung anong puno, siyang bunga.” Ang mga katagang ito ay napakaakma upang ilarawan ang ugnayan at pagkakaisa ni Jesus at ang Amang nagpadala sa kaniya. Sa pagpapakatao ni Jesus, upang tuparin ang misyong iniatas sa kaniya ng Ama, ay alam niyang hindi ito “one man team”. Batid ni Jesus na sa lahat ng kaniyang gagawin ay kaisa niya ang Ama sa isip, sa salita at sa gawa. Kaya naman, winika ni Jesus na ang nakakakilala sa kaniya ay nakakakilala na rin sa Ama. Bilang mga binyagan, tayo rin ay inaanyayahan na makiisa at magkaroon ng malalim na ugnayan kay Jesus sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ang ating pakiisa kay Jesus ay dapat maging salamin o repleksyon ng pakikiisa rin sa kaniyang Ama. Makikilala ng mundo si Jesus kung tayo ay nakikiisa sa kaniya, at malalaman ng mundo na may Diyos kung ang bawat isa ay ipamamalas ito sa ating pagsamba at pagsunod sa kaniyang mga atas. Nawa’y maging kaisa tayo ng Diyos upang sa gayon ay luwalhatiin natin ang kaniyang pangalan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





