Ebanghelyo: Juan 14:1-12
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta.
Pagninilay
Ibinibigay ni Jesus ang kaniyang sarili upang maging daan patungo sa Ama na nagpadala sa kaniya. Walang ibang makakapagturo at mangunguna papunta sa Ama maliban kay Jesus. Kaya naman, hindi dapat natin siya pagdudahan sapagkat kaisa si Jesus ng Ama, Anak siya ng Ama, at lahat ng kaniyang mga gawa ay nagpapamalas kung nasaan at anong klaseng Ama ang Diyos natin. Si Jesus ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Sa pamamagitan ni Jesus ay nakilala nga ng sanlibutan ang Ama. Hindi lamang ang personal na pagkakakilanlan ang dala ni Jesus sa kaniyang pagpapakatao. Kalakip ng personal niyang pagkakakilanlan ay ang imahe ng Ama na kaniyang kaisa sa paggawa ng kaniyang misyon. Ang misyon na inatang sa kanyang balikat ay hindi lamang sa pagpapahayag sa kaharian ng langit, kundi upang malaman ng sanlibutan ang walang maliw na presensya ng Diyos. Kaya si Jesus ang daan papunta sa Ama sapagkat batid niya ang katotohanan tungkol sa Ama. Gayun din naman, ang Amang kinikilala at ipinapakilala niya sa atin ay buhay. Nawa, sa pamamagitan ni Jesus, ay patuloy nating mapalalim ang pagkilala at pag-ibig natin sa Diyos. Nawa’y makibahagi tayo sa misyon ng pagpapahayag sa Mabuting Balita sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kaniyang mga salita.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





