Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Walang anumang kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.
Pagninilay
Madalas nating marinig sa pagdiriwang ng banal na misa ang mga unang kataga sa ating ebanghelyo ngayon. Isa nga sa mga kinikilala at isinasambit nating titulo ni Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa panahon natin ngayon, kapayapaan ang isa sa mga bagay na hinahangad ng sanlibutan. Maging ito man ay kapayapaan sa personal na aspeto ng buhay ng isang tao o kaya’y kapayapaan na pangkalahatan. Maraming hamon ang kinakaharap ng bawat isa sa atin, mga hamon na sadyang nakakapagpaligalig sa puso at isipan at kadalasan pa’y nagiging dahilan upang mawala tayo sa pokus. Sa mundong ating ginagalawan ay naririyan rin ang ibat’ibang mga kaganapan na humahamon sa kapayapaan ng bawat bansa o lugar. Nariyan ang agawan sa teritoryo at mga pag-aari, ang pagkakaiba-iba ng prinsipyo at pananaw, at maging ng mga paniniwala at pinahahalagahan. Sa likod ng mga riyalidad na ito, naroroon ang mas malaking riyalidad at katotohanan na may Diyos na handang maghari sa ating mga buhay. Sa kaniyang paghahari’y magdadala sa bawat isa ng kapayapaan. Ang kaniyang dala’y hindi pagkabagabag o magdudulot upang tayo’y panghinaan ng loob. Ang dala niya ay pagasa, isang dalang biyaya ng Banal na Espiritu. Ang taong nagmamahal ng kapayapaan ay taong nagmamahal sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





