Ebanghelyo: Juan 6:44-51
Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala. Ako siyang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nan gamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay. Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.
Pagninilay
Masarap kainin ang tinapay lalo na kung ito’y mabango sa pang-amoy at kaayaaya sa paningin. Higit pa itong sumasarap kung nanamnamin ang lasa na talaga namang makapagbibigay ng kakaibang kasiyahan sa sinuman. Sa buhay ng tao, mainam kung maaakit tayo sa buhay na nakatambad sa paningin natin sa araw araw. Nakakaengganyo rin kung talagang lalasapin natin ang bawa’t karanasang pinagdaraanan at hinaharap sa kabila ng maraming mga pagsubok. Ganyan din sa buhay espiritwal o sa pananampalataya natin sa Diyos. Hinding-hindi makalalapit sa kalubusan ng kalooban ang tao at lasapin ang tunay na halaga ng kanilang buhay kung hindi sila aakitin ng Ama patungo sa kaniyang Anak na pinagkalooban ng buhay na walang hanggan. Ang Anak ng Diyos ay ang siyang tunay na Tinapay ng Buhay. Sa kaniya lang magkakaroon ng tunay na pagpapalalim ng pananampalataya. Si Jesus ang makalangit na Tinapay ng Buhay, ang Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos! Aakitin ka ng Ama palapit sa kaniyang Anak, ang buhay at pagkaing nagbibigay buhay!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





