Ebanghelyo: Marcos 16:15-20
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
Pagninilay
Masaya ako dahil sa araw na ito ay ipinagdiriwang ko at ng aking mga kasamahan ang aming ika-28 na Anibersaryo sa Pagka-Pari! Pero mas maligaya akong nababatid kong kasama ko at sinasamahan ako ng Panginoon sa aking buhay at misyon na kaniyang iniregalo at ipinagkatiwala sa akin. Walang ganang akin ang pagtatalaga ko sa pagiging isang Claretianong Misyonerong Pari sapagkat ang lahat ay nagmula sa kaniyang biyaya at lubos na ipinagkaloob ng Diyos sa akin. Sa diwa at lakas ng napakagandang Sakramento ng Binyag, tayong lahat ay inihahanda at hinuhubog ng Diyos, mula sa ating pagkabata hanggang sa paglaki natin, na maging mga mamahayag ng Mabuting Balita. Mula noon hanggang sa paglalayag natin sa buhay, patuloy nating tinutugunan ang panawagan ng pagpapahayag ng Ebanghelyo ng Panginoon. At sa Buhay ng Mamahayag at sa Misyon ng Pagpapahayag ang Diyos, ang Panginoong Jesus ay kasama natin! Nakalatag ang mga tanda ng kaniyang presensya at ating itinatanim ang iba pang mga tanda ng kaniyang mensahe at pangako.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





