Ebanghelyo: Juan 10:11-18
Ako siyang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanya ang mga tupa, pag napansin niyang dumarating ang asong-gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kayat inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at pinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang pakialam sa mga tupa. Ako siyang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama. At itinayo ko ang aking buhay para sa mga tupa.” May iba akong mga tupa na di mula sa kulungang ito. Maging sila ay kailangan kong akayin palabas, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan, iisang pastol. Kaya mahal ako ng Ama dahil itinataya ko ang aking buhay, at saka muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang kusang nagtataya nito. May kapangyarihan akong itayo ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”
Pagninilay
Marami tayong naging kaugnayan sa mundo. Marami tayong mga kakilala, marami tayong naging kasama sa trabaho, naging kaibigan o kabarkada, naging mga kaagapay mula sa mga organisasyon, ministeryo, atbp. Sa madaling salita, marami na tayong nakasalamuha na taong masasabi nating nakapanayam, nakapalagayang-loob, at nahirang na mga tapat na tao. Sila ang mga tao o kapwa natin na masasabi nating kilala na natin at mapatutunayan nating kilala na tayo. Pero, ito ba ang uri ng pagkakilala na maihahambing natin sa sinasabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tupa? Maliban sa tunay nating pamilya, makasisiguro ba tayong sila ang mga taong may lakas ng loob, katapatan, at kasiguraduhan na magtataya ng kanilang buhay para sa atin? Sila ba ang mga taong walang pakundangan o pag-aalinlangan at walang pagtatanong na mag-aalay ng kanilang buhay para sa atin, tayo man ay taong mabuti o masama? Si Jesus, ang Mabuting Pastol, ay ang kaisa-isa na mula sa simula hanggang sa katapusan o wakas ang makapagbibigay ng kaniyang buhay para sa atin at sa ating buong sambahayan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





